Walang gumawa sa Diyos. Siya ay lagi nang naroon at mananatili pang lagi.

Banal na Kasulatan
Sinabi ni Moises, "Pupunta ako sa mga Israelita at sasabihin sa kanilang ako'y sinugo ng Diyos ng aming ninuno. Ngunit ano po ang sasabihin ko kung itanong nila kung sino ang nagsugo sa akin?" Sinabi ng Diyos, "Ako'y si Ako Nga. Sabihin mong sinugo ka ni Ako Nga." (Exodo 3:13-14)
Konsilyo Vaticano II
Sa buong kasaysayan at hanggang sa kasalukuyan, batid na ng iba't-ibang lahi na may natatagong kapangyarihang pampatnubay sa takbo ng kalikasan at sa mga pangyayari ng buhay ng tao. Kung minsan nga ay mayroon pang pagkilala na may isang Kataas-taasan o, higit pa rito, na may isang Ama. Ang ganitong kabatiran at pagkilala ay nagbubunga ng isang pamumuhay na puspos ng matinding pagpapahalagang pangrelihiyon.
- Non-Christian Religious, 2
Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko
315. Maaari ang pagiging "Manlilikha" ang pinakabatayang larawan na mayroon tayo tungkol sa Diyos. Ihihihiwalay nito ang Diyos sa lahat ng iba pang mga bagay bilang natatanging Katotohanang Di-Nilikha. Gayundin, iniuugnay nito ang Diyos sa bawat tao, pook o bagay bilang kanilang Unang Sanhi ng pag-iral. Kung gayon, ang Diyos na Manlilikha ay parehong hihigit (di-maaabot) sa lahat Niyang nilikha, bagama't malaganap (nananatili) ito na, laging nagtataguyod nito sa pag-iral. (Tingnan CCC, 300)
Panalanging Buod
O Diyos ko, sumasampalataya kami na Ikaw ang Kataas-taasan. Walang gumawa sa Iyo. Ikaw ay lagi nang nariyan at mananatili pang lagi. Ikaw lamang ang Diyos. Walang nangyayari kung wala Ka. Sumaiyo ang tanang dangal at kaluwalhatian, ngayon at kailanman. Amen.
Comments